Pag-iwas sa panloloko

Nangyayari ang panloloko. Sa kasamaang-palad, pwede itong mangyari sa mga pinakainosenteng tao. Huwag hayaang mangyari ito sa iyo. Naglista kami ng ilang karaniwang senaryo ng panloloko sa ibaba para manatili kang naaabisuhan sa mga karaniwang scam sa industriya.

Mga Karaniwang Senaryo ng Panloloko

Mga Scam Kaugnay ng Covid-19

May isang tao bang hindi mo kilala ang nakipag-ugnayan sa iyo na nagsasabing naapektuhan siya ng sakit na Coronavirus at humihiling na tulungan mo siya sa pamamagitan ng pagpapadala ng pera sa pamamagitan ng Ria? Kung oo, at hindi mo pa nakikilala nang personal ang taong ito, napakamalamang na isa itong scam na lumilitaw ngayon sa buong mundo. Sa ilang pagkakataon, posibleng magpanggap ang scammer na ito na affiliated siya sa isang organisasyon at magsasabing kung direkta kang magpapadala ng pera sa kanya, maiiwasan mo ang mga overhead ng malalaking organisasyon. May iba pa ngang umaabot pa sa puntong magpapanggap na may koneksyon kayo sa pagsasabing kakilala niya ang isang kakilala mong natukoy niya sa pamamagitan ng social media. Mahalagang huminto muna at alamin kung isa ba itong tunay na kahilingan kahit pa sa tingin mo ay isa itong mapagkakatiwalaang tao.

AUSTRAC ba ang nakipag-ugnayan sa akin?

Mag-ingat sa mga scam na kinasasangkutan ng mga tawag sa telepono o email mula sa mga taong nagpapanggap na kawani ng AUSTRAC. Madalas silang humihingi ng bayad o personal na impormasyon at minsan ay nagbabanta ng pagkakakulong. Puwede pa ngang may ilagay sa mga email na logo ng AUSTRAC sa pagtatangkang magmukhang lehitimo.

Mga palatandaan ng scam

May ilang partikular na bagay na hinding-hindi gagawin ng AUSTRAC. Dapat kang magduda sa isang tawag o email na:

  • humihingi sa iyong magbayad ng fee o buwis para awtorisahan ang paglalabas ng pondo sa iyong bank account
  • humihingi sa iyo ng dokumentasyon kaugnay ng mga imported na produkto
  • nagsasabi sa iyo na nasabat namin ang iyong package sa border
  • nagsasabi sa iyo na nanalo ka ng lotto
  • nagbabanta sa iyong aarestuhin ka kung hindi ka magbabayad ng multa
  • humihingi sa iyong magbayad ng mga multa sa pamamagitan ng money transfer
  • nagsasabi sa iyong ifi-freeze namin ang iyong account o transaksyon
  • nagsasabi sa iyong maiiwasan mo ang pag-uusig sa pamamagitan ng pagbabayad ng multa.

Kapag ginawa ang alinman sa mga ito sa tawag o email, makakasigurado kang hindi iyon galing sa amin

Kung gusto mong malaman kung lehitimo ba ang isang tawag, makipag-ugnayan sa AUSTRAC sa https://www.austrac.gov.au.

Ano'ng dapat gawin kapag nakatanggap ka ng scam na tawag o sulat

Kapag nakatanggap ka ng scam na tawag o email, huwag makipag-ugnayan sa scammer.

Huwag:

  • silang tawagan
  • sumagot sa email
  • mag-click sa anumang link
  • mag-download ng anumang file.

Isumbong ito

  • I-report ang insidente sa Scamwatch na pinapatakbo ng Australian Competition and Consumer Commission (ACCC) https://www.scamwatch.gov.au o sa pagtawag sa isang estasyon ng pulisya sa 131 444.
  • Para sa mga scam online o email, makipag-ugnayan sa Australian Cyber Security Centre sa https://www.cyber.gov.au/report
  • Makipag-ugnayan sa AUSTRAC sa https://www.austrac.gov.au
  • Mga Scam sa Online Dating at Romance

    May nakilala kang maganda at matalinong babae. Hindi mo pa siya nakikilala nang personal — pero ilang buwan mo na siyang nakakausap, at marahil ay nakausap mo na siya sa telepono. Hindi magtatagal, magkikita rin kayo, pero sa ngayon ay nasa kabilang panig siya ng mundo. Tapos nagkaroon siya ng emergency at nangailangan ng pera. Hindi naman malaki, ilang daang dolyar lang. Kaya mo bang gawin iyon? Tapos noong susunod na linggo, may nagkasakit. Ayos lang din namang sagutin mo iyon, 'di ba? Pero hindi pala siya ang babaeng inakala mo. Niloloko ka pala niya. Nakuha niya ang tiwala mo, at ngayon ay handa na siyang kunin ang lahat ng pera mo.

    Sinasamantala ng mga scammer ang mga taong naghahanap ng mga makakarelasyon, madalas sa pamamagitan ng mga dating website, app o social media, sa pamamagitan ng pagpapanggap na mga posibleng maging karelasyon. Nilalaro nila ang mga emosyon para makuha ang loob mo at magbigay ka ng pera, mga regalo o mga personal na detalye.

    Mga Scam sa Lotto, Sweepstakes at Hindi Inaasahang Pagkapanalo

    Nakatanggap ka ng nakakagulat na balita sa iyong email ngayong araw, nanalo ka sa lotto! Napakalaki ng grand prize, at nagsimula ka nang mangarap kung ano'ng pwede mong gawin sa perang iyon. Hindi ka sigurado kung naaalala mo bang tumaya ka sa lotto, pero ano pa nga ba, dahil kahit ang agahan mo kanina ay limot mo na; madali lang naman makalimutan ang ganitong bagay. May isang problema lang, kailangan ng sender ng pera mula sa iyo para makuha mo ang iyong premyo. Maliit na halaga lang naman, ano na lang ba ang $1,000 kung milyon-milyon naman ang makukuha mo?

    Huwag matukso sa sorpesang panalo. Sinusubukan kang lokohin ng mga scam na ito para magbigay ka ng pera o ng iyong personal na impormasyon upang makatanggap ng premyo mula sa lotto o kompetisyong hindi mo naman sinalihan.

    Ang Scam ng Kamag-anak na Nangangailangan

    Nagbibiyahe sa Thailand ang iyong apo at bigla siyang naubusan ng pera. Nagpadala siya ng urgent na email o tumawag siya sa telepono at sinabing may emergency at humihingi siya ng pera. Hindi mo maalala na sinabi niya sa iyong pupunta siya sa Thailand, pero inaalala mo ang kanyang kaligtasan at gusto mong tiyakin na ayos lang siya. Kaya pinadalhan mo siya ng ilang daang dolyar. Ano na lang ba ang ilang daang dolyar pagdating sa kaligtasan ng iyong apo?

    Gumagamit ang mga scammer ng lahat ng uri ng mapanlinlang na pamamaraan para nakawin ang iyong mga personal na detalye. Kapag nakuha nila, pwede nilang gamitin ang iyong pagkakakilanlan para gumawa ng mga gawain ng panloloko tulad ng paggamit ng iyong credit card o pagbubukas ng bank account.

    Ang Scam ng Mystery Shopper o Hindi Inaasahang Pera

    Maswerte ka! Kakakuha mo lang ng bagong sideline bilang mystery shopper at binigyan ka na ng una mong gawain. Kailangan mo lang tasahin ang customer service ng isang lokal na tindahan. Mukhang madali lang, 'di ba? May isang problema lang. Pinadalhan ka ng tseke o money order na may mga tagubiling ideposito ito, pero nalaman mong mas malaki ang halaga kaysa sa dapat. Kaya kailangan mong magpadala ng pera pabalik sa sender. Medyo kaduda-duda, pero hindi mo masyado itong pinag-isipan. Pero sa sandaling ipadala mo ang iyong transaksyon, napag-alaman mo na peke ang orihinal na tseke at hindi mo na mababawi ang perang ipinadala mo. Kaya naghahabol ka na ngayon para sa parehong halaga.

    Nag-iimbento ang mga scammer ng nakakakumbinsi at tila lehitimong mga dahilan para paasahin ka sa mga alok na pera. Walang paraan para mabilis na yumaman, kaya palaging magdalawang-isip bago ibigay ang iyong mga detalye o pera.

    Ang Scam sa Pagbili ng Sasakyan

    Nagbunga na ang iyong masigasig na paghahanap sa internet ng magandang deal para sa pangarap mong sasakyan! Nakita mo ang sasakyang gusto mo sa presyong higit na mas mababa sa iniaalok ng iyong lokal na dealership. Kinontak mo ang seller, sinabi niya sa iyong magpadala ng down payment at/o bayad sa serbisyo para sa pag-a-apply ng loan sa pamamagitan ng money transfer. Maaaring padalhan ka pa niya ng resibo. Huwag magpadala ng down payment o bayad sa serbisyo sa pamamagitan ng money transfer. Hindi mo makukuha ang pangarap mong sasakyan at hindi mo mababawi ang pera mo.

    Sinasamantala ng mga scammer ang mga mamimili at negosyong bumibili o nagbebenta ng mga produkto at serbisyo. Hindi lahat ng transaksyon ay lehitimo.

    Ang Scam sa Pagbili sa Internet

    Nakakita ka ng napakagandang presyo sa isang paupahang apartment online at napagpasyahan mong ituloy ang pagpirma sa kontrata. Iyon lang, scammer pala ang nagpapaupa, na humihingi sa iyong bayaran ang unang buwan sa pamamagitan ng money transfer at hindi talaga totoo ang hindi kapani-paniwala sa ganda na apartment na iyon. Mag-ingat kapag namimili online at may nagpabayad sa iyo sa pamamagitan ng money transfer o hiniling sa iyong magdeposito sa isang indibidwal o negosyo. Pwede itong mangyari sa anumang online na pagbili – ng tuta, ng uupahan para sa bakasyon, ng timeshare o ng sasakyan. Kahit anong maiisip mo. Huwag magpadala ng pera para sa pagbili sa internet. Hindi mo makukuha ang produkto at hindi mo mababawi ang pera mo.

    Kung naghahanap ka ng mabilis na paraan para kumita ng pera, mag-ingat – nag-imbento ang mga scammer ng iba't ibang uri ng pekeng oportunidad para kumita ng pera upang samantalahin ang pagkamasigasig mo at makuha ang iyong pera.

    Ang Scam sa mga Patalastas sa Diyaryo

    Linggo nang umaga, kakatimpla mo lang ng iyong kape at handa ka nang maupo para mag-almusal habang nagbabasa ng diyaryo. Pagpunta sa mga patalastas, may napansin kang patalastas para sa bagong stainless steel na refrigerator sa presyo na parang hindi kapani-paniwala sa ganda. Pinag-isipan mong medyo matagal ka nang nangangailangan ng bagong refrigerator at nagdesisyon kang sumugal. Binili mo ito. Oo, medyo nag-aalinlangan ka dahil binibili mo ito sa taong hindi mo kilala at mas kataka-taka pa – hiniling nila sa iyong mag-transfer ng pera sa kanila para sa pagbili mo. Huwag kailanman gumamit ng money transfer para bumili ng kahit ano sa taong hindi mo kilala. Maaaring hindi mo makuha ang item at mawawala ang iyong pera.

    Kung naghahanap ka ng mabilis na paraan para kumita ng pera, mag-ingat – nag-imbento ang mga scammer ng iba't ibang uri ng pekeng oportunidad para kumita ng pera upang samantalahin ang pagkamasigasig mo at makuha ang iyong pera.

    Scam sa Kawanggawa

    Matapos ang isang kamakailang natural na sakuna, naiwan ang buong bansa na nag-aasam na muling makabangon mula sa pagkawasak, at nais mong gawin ang iyong bahagi para makatulong sa pamamagitan ng pagdo-donate ng pera. Sa kasamaang palad, ang mga natural na sakuna tulad ng mga baha, buhawi o bagyo ay madalas na nagreresulta sa pagpapanggap ng mga scammer bilang mga "mapagkawanggawang" organisasyon na nananamantala ng mga taong may mabubuting hangarin. Nakikiramay ka sa mga taong nawalan ng lahat. Nakatanggap ka ng tawag, o sulat, mula sa mapagkawanggawang organisasyon na nagsasabi sa iyo mismo kung saan magpapadala ng pera. Siguraduhing hindi ka magpapadala ng pera sa mga tao o organisasyong hindi mo kilala. Sa halip, makipag-ugnayan sa American Red Cross o iba pang mapagkakatiwalaang organisasyon na kilala mo at nauunawaan mo kung paanong kinokolekta at ginagamit ang pondo. Malamang, kapag nagpadala ka ng pera sa isang organisasyong hindi mo kilala, hindi mapupunta ang pera mo sa pinaglaanang layunin kundi sa bulsa ng mga scammer.

    Ginagaya ng mga scammer ang mga tunay na kawanggawa at humihingi sila ng mga donasyon o nakikipag-ugnayan sa iyo upang magpanggap na nangongolekta ng pera pagkatapos ng mga natural na sakuna o pangunahing kaganapan.

    Ang Scam sa Tseke o Money Order gamit ang mga scam sa Trabaho at empleo

    Nakatanggap ka ng tseke o money order sa pamamagitan ng sulat bilang paunang bayad sa napakaganda mong trabaho na kakakuha mo lang – o sa panindang ibinebenta mo sa pamamagitan ng isang online ad. Ang tanging problema ay mas malaki ang halaga ng tseke sa dapat na halaga nito, kaya sinabi sa iyo ng scammer na ideposito ang tseke at pagkatapos ay ipadala ang halagang "sumobra" sa ibinayad nila pabalik sa kanila. Hindi nagtagal, napansin mo na peke ang tseke o money order at – mas malala pa diyan – hindi mo na mababawi ang perang ipinadala mo sa pamamagitan ng money transfer.

    Niloloko ka ng mga scam sa trabaho at empleo para ibigay ang iyong pera sa pamamagitan ng pag-aalok sa iyo ng ‘garantisadong’ paraan para mabilis na kumita ng pera o kumita nang malaki sa trabahong kakaunti ang kinakailangang pagsisikap.

    Ang Scam na Pang-aabuso sa Nakatatanda

    Bagama't pwedeng magkaroon ng maraming anyo ang scam na ito, mahalagang malaman na halos sangkatlo ng lahat ng biktima ng panloloko sa telemarketing ay may edad na 60 o higit pa. Mag-ingat sa pagpapadala ng pera sa hindi kakilala kapalit ng pangako ng mga naturang bagay tulad ng pagpapaganda ng tahanan, mapagsamantalang pagpapautang, pagpaplano ng ari-arian, o kahit malaking pera para sa iyong kinabukasan. Huwag hayaang pamahalaan ng hindi kilalang tao ang iyong pananalapi at ari-arian. Magsisikap ang mga scammer na manipulahin ka para ibigay mo ang iyong ari-arian at/o pera, na sasaid sa iyong checking account o lahat ng iyong ipon sa loob ng ilang minuto. Huwag kailanman ipagkatiwala ang iyong pera sa taong hindi mo kilala.

    Para matukoy ang pang-aabusong pinansyal, maghanap ng mga biglaang pagbabago sa sitwasyon ng pananalapi ng matanda, tulad ng:

    • Mga kahina-hinalang pagbabago sa mga huling habilin o kapangyarihan ng abogado – Bigla na lang inihahabilin ng iyong lolo ang lahat ng kanyang ari-arian sa kanyang bagong nars.
    • Pinansyal na aktibidad na hindi kakayanin ng tao na gawin nang mag-isa – Natuklasan mo ang mga paulit-ulit na pag-withdraw sa ATM mula sa bank account ng iyong nakaratay na ina.
    • Hindi nababayaran ang mga bayarin – Kapag bumibisita ka sa isang kapitbahay, nakakakita ka ng mga sulat na naiipon sa kanyang mesa. Baka ginagamit ng kanyang caregiver ang kanyang pera para sa ibang bagay bukod sa pagbabayad ng mga bayarin.
    • Malalaking withdrawal o mga hindi pangkaraniwang pagbili – Nakapansin ka ng mga singil para sa magagarbong elektroniks sa credit card bill ng matipid mong tiyahin.

    Ang Garantisadong Utang

    Nagpapadala ka ba ng pera dahil "ginarantiyahan" ka ng credit o utang? Kung gayon, mag-ingat! Napakaliit ng tsansa na kakailanganin mong magpadala ng pera upang makatanggap ng totoong credit o makautang.

    Nag-iimbento ang mga scammer ng nakakakumbinsi at tila lehitimong mga dahilan para paasahin ka sa mga alok na pera. Walang paraan para mabilis na yumaman, kaya palaging magdalawang-isip bago ibigay ang iyong mga detalye o pera.

    Mga Scam sa Money Transfer

    Nagkakaroon ng maraming hugis at anyo ang mga scam sa money transfer. Ang mas malala pa, patuloy na natututo ang mga manloloko ng mga bagong diskarte at teknik. Maaaring maging napakahirap na malaman kung kailan talaga scam ang isang partikular na sitwasyon. Kaya napakahalaga na manatiling mapagbantay sa mga mapanlinlang na scammer.

    Maaaring maging maginhawang paraan ang mga mobile payment app para magpadala at tumanggap ng pera gamit ang iyong smartphone. Napakapopular na ng mga app na ito — at maaaring subukan ng mga scammer na gamitin ang mga ito para nakawin ang iyong pera.

    Pagnanakaw ng Pagkakakilanlan

    Nangyayari ang pagnanakaw ng pagkakakilanlan kapag ginamit ng isang tao ang iyong pagkakakilanlan para gumawa ng panloloko o iba pang kriminal na gawain. Maaaring makuha ng mga kriminal ang impormasyong kailangan nila para magamit ang iyong pagkakakilanlan mula sa iba't ibang mapagkukunan. Kabilang ang pagnanakaw ng wallet mo, paghahalungkat sa basura mo, o pagkokompromiso sa iyong credit o bank information. Maaari ka nilang lapitan nang personal, sa telepono, o sa Internet at humingi sa iyo ng impormasyon.

    Hinihingi ng mga caller na nagpapakilala bilang taga-Medicare ang mga Medicare number, Centrelink customer number, at iba pang personal na impormasyon ng mga tao.

    Scam sa Telemarketing

    Nakatanggap ka ng tawag sa telepono mula sa hindi kilalang caller at medyo nag-alangan kang sumagot. Bago pa mahuli ang lahat, sinagot mo ang tawag at ikinagulat mong nanalo ka ng libreng cruise. Ang suwerte mo naman! Ang kailangan mo lang gawin para matanggap ang cruise ay magbayad ng selyo at pagpapadala para matanggap ang "pormal" na alok. Mukhang madali lang. Nakumbinsi ka na ng nasa kabilang linya na ibigay sa kanila ang iyong impormasyong pinansyal para bayaran ang selyo. Kapag nag-transfer ka ng pera sa mga taong hindi mo kilala o nagbigay ka ng personal/pinansyal na impormasyon sa mga tumatawag na hindi mo kilala, pinalalaki mo ang tsansa na maging biktima ng panloloko sa telemarketing.

    Heto ang ilang tip para maiwasan ang panloloko sa telemarketing.

    Tandaan na madalas na naibibigay ang iyong personal na impormasyon sa mga telemarketer sa pamamagitan ng mga third party. Kung minsan ka nang nabiktima, mag-ingat sa mga taong tumatawag at nag-aalok na tulungan kang mabawi ang mga nawala sa iyo kapalit ng paunang pagbabayad ng fee.

    Gumagamit ang mga kawatan ng matatalinong pamamaraan para lokohin ang milyon-milyong tao kada taon. Madalas nilang isinasama ang bagong teknolohiya sa mga lumang pamamaraan para malinlang ang mga tao sa pagpapadala ng pera o pagbibigay ng personal na impormasyon.

    Protektahan ang Iyong Sarili

    Saan hihingi ng tulong kapag na-scam ka.

    Kung nabiktima ka ng scam sa money transfer, isumbong muna ang insidente sa iyong lokal na pulisya. Susunod, maghain ng ulat sa iba't ibang sangguniang nakalista sa ibaba.

    Isumbong ang Panloloko

    Kung nabiktima ka ng panloloko, kailangan mo itong isumbong. Heto ang isang listahan ng mga kapaki-pakinabang na sanggunian para matulungan ka sa pagsusumbong ng panloloko.

    1). Tumawag sa pulisya

    Sa lokal na pulisya muna. Lahat ng scam sa money transfer ay dapat isumbong sa pulisya.

    2). Makipag-ugnayan sa Compliance department ng Ria

    Gusto naming malaman ang tungkol dito para magawa namin ang lahat ng makakaya namin para masigurong hindi na ito mangyayari ulit.

    Makipag-ugnayan sa amin sa pamamagitan ng pagtawag sa 1800 531 581 o sa pamamagitan ng pag-email sa compliance-au@riamoneytransfer.com

    3). Scamwatch

    Kung nabiktima ka ng fraud na nagsimula sa pamamagitan ng internet, dapat kang mag-report sa ACCC. https://www.scamwatch.gov.au

    4). Australian Competition and Consumer Commission (ACCC)

    Kung nabiktima ka ng fraud na nagsimula sa pamamagitan ng internet, dapat kang mag-report sa ACCC. https://www.scamwatch.gov.au

Ria Financial Services Australia Pty. Ltd. © {{currentYear}} Dandelion Payments, Inc. Reserbado ang lahat ng karapatan.